Inggit lang ba ‘to o ipinapamukha lang sa akin yung katotohanan? Yung lahat nang aking naging katangahan.
Pagbukas ko ng Facebook, bumulaga sakin yung ginago ko noon. Yung pinagtripan ko. Yung pinaglaruan ko. Ayun, ang saya saya na nya ngayon at mas lalo pang gumanda. Mabuti na lang talaga at nung nagpasabog nang kabaitan si Lord e balde balde ang nasalo niya kasi pagkatapos nang lahat ng ginawa kong kalokohan at katarantaduhan e naging magkaibigan pa ulit kami. Kaso, wala e. Napa-iling at napamura na lang ako sa panghihinayang. Bumulong sa hangin at kinausap ang diwa, “ang tanga mo! Tignan mo tuloy ngayon, sino sa inyo ang kawawa?”
Maya-maya, may nagtext. Yung lumuluwas pa ng Maynila, makasama lang ako. Yung halos ayaw na umuwi kasi ayaw mawalay sa piling ko. Yung ibinibigay ang lahat, mapasaya lang ako. Ayun, nang-asar pa ang gag*! Tinanong ba naman kung may ka-date ako ngayon. Syempre, ako naman tong si mataas ang ego, nagpanggap na lang na meron para hindi mapahiya si gag*. Syempre, inaliw ko muna sarili ko. Diskarteng marino. Landi doon. Landi dito. Bakit ba kasi ang hilig kong magbiro? Nalaman ko tuloy kung ano ang totoo. Ang sama ko na palang tao, nanggaling pa sa kanya mismo. Aruyyyyy!!!
Hanggang heto, hanggang sa pagbukas ko nito, katangahan ko na naman ang bida hanggang dito. Ang tamad tamad ko kasi. Puro pangako parati naman napapako. Puro salita kulang naman sa gawa. Parati na lang nirarason, “mabilis lang talaga ako magsawa. Ako na nga ang hinahabol habol at hihintayin, ayun tigas-tigasan at galit-galitan. Hanggang sa napagod na siguro. Ayun, yung hahabol habol at hihintayin ka, tuluyan na kong kinalimutan at nilisan. Ayyy susss, panibagong katangahan na naman na malamang pagsisisihan.
Hanggang sa naalala ko na kung bakit siguro ako nagkaganito. Meron kasi akong hindi nakuha noon na hanggang ngayon e inaasam at ipinagdadasal ko pa rin na ibigay ng panginoon. (Pasensya ka na Lord, nadamay ka pa dito.) Siguro nga siya ang dahilan kasi hanggang ngayon hindi ko pa rin siya mapakawalan. Siya na nga yata yung ginawa kong pamantayan. Kapag hindi nila siya nahigitan o kahit mapantayan lang e mabuti na lang siguro na sila'y iwasan o iwanan(kupal ko talaga e no?). Alam mo yung ang labo ko? Ako 'tong ayaw may panghinayangan sa huli pero ako naman tong pinalalampas yung mga maaring maging kasama ko hanggang sa huli.
Ako 'tong parating sinasabi na, "mag-move on ka na…” samantalang yung linyang yun e para sa sarili ko pala. T*ng in* kasi bakit hindi pa mamatay yung pag-asa sa diwa ko nang hindi na ako muli magkamali?
Masyadong mahaba na. Hanggang dito na lang muna. Ang gulo ng sulat ko. Walang direksyon, parang ako.